Saturday, March 31, 2012

Kung mahalaga sila, mahalaga ka rin!!

Kapag sumakay ka sa eroplano, ipapaliwanag ng crew kung ano ang mga dapat gawin. Lalo na sa paglagay ng oxygen mask kung sakali mang anong mangyari. "Unahin ang sarili na lagyan ng oxygen, bago tulungan ang iba".Ang katotohanan ng salitang ito ay hindi lamang sa loob ng eroplano pati na rin sa pang araw-araw na pamumuhay. Kailangang alagaan natin ang ating mga sarili upang may kakayanan tayo na alagaan ang iba. Kailangang ipakita mo sa sarili mo kung sino ka, bago mo maipakita sa iba kung sino ka nga talaga. Isipin mo na lang, kung wala ka, pano ka makapagbigay sa iba? Kapag bigay ka ng bigay at hindi mo iniisip ang sarili mo, magigising ka na lang na wala na palang natira sa iyo. Kung noong unang panahon, ang dahilan kung bakit marami ang nagkakasakit ay infection, ngayong panahon marami ang nagkakasakit ng  dahil sa stress. Hindi tayo nilikha ng Maykapal para ma stress at mapagod. Dahil kahit SYA, pagkatapos nya mailikha ang sanlibutan, nagpahinga rin sya. Kailan mo huling binigyang pansin ang sarili mo?
Tayong mga nasa abroad, halos lamang sa atin ang nasa isip ay trabaho. Ang kumita ng pera. Lumaki tayo sa kulturang "family oriented". Kaya kahit na may kanya kanya na tayong pamilya, hindi maiwasan na bigatin mo pa rin ang lahat. May asawa at wala, iisa lang, kapamilya mo sila. Lalo na at ikaw lang ang nasa abroad, lahat sila, kargo de konsensya. Kahit malayo pa ang sahod, kailangang magpadala na. Ang masaklap nito, kahit konti lang ang problema, ang kwento sobra. Parang hindi ba nila iniisip na naghihirap ka rin. Akala nila, napakalaki ng kinikita mo, na kaya mong ibigay lahat ng gusto nila.Kapag hindi mo sila napagbigyan, ang sama mo na. Kasi napakataas mo na raw, marami ka nang pera. Hindi ba nila naisip na kung marami ka nang pera, hindi ka magtityaga na magtrabaho pa? Ang sobrang tulong minsan sa ating mga kapamilya ang naging dahilan kung bakit naging tamad sila. Hindi masama ang tumulong, pero kung paulit ulit lang din naman ang dahilan at pangyayari, ay panahon na para ipamulat sa kanila na hindi madaling kumita ng pera. 
Kaya bago natin tulungan ang iba, bago natin ayusin ang buhay ng iba. Siguraduhin muna natin na tayo mismo, ang sarili natin ay ayos at alang problema. Dahil iisa lang ang buhay natin, binigay yan sa atin para alagaan at hindi para abusuhin. Kung mahalaga sila, mahalaga ka rin!..